Misis hinalay sa harap ni mister

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang 22-anyos na misis ang pinilahang gahasain ng tatlong kalalakihan sa harap ng kanyang mister makaraang makitulog ang mga suspek sa bahay ng mga biktima sa liblib na lugar sa Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan, kamakalawa ng madaling araw.

Ang biktima na luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya upang magreklamo ay itinago sa pangalang Josie habang ang tatlong suspek na ngayon ay nakapiit sa PNP detention cell ay kinilalang sina Marlon Castro, Romeo Iglesia at Eduardo Mutos na pawang mga residente rin ng nabanggit na lugar.

Nabatid sa ulat ng pulisya, bandang alas-3 ng madaling araw nang kumatok ang mga suspek sa bahay ng mag-asawa dahil sa magpapalipas lamang daw ang mga ito ng dilim.

Dahil sa pamilyar na ang mga mukha ng mga suspek ay pinatuloy ang mga ito ng mag-asawa at binigyan pa ng mainit na kape.

Napag-alaman pa na ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay nagbunot na ng patalim ang mga suspek saka tinutukan ang mag-asawa.

Iginapos ang mister ng biktima bago isagawa ang maitim na balak ng mga suspek habang pinanonood naman ng dalawa ang isa sa suspek matapos mauna ang dalawa. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments