Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame kahapon, iniharap sa mga media men ang nahuling mga suspek na sina ex-PNP Officer Chief Insp. Rodolfo Magleo, lider ng grupo at ang mga kasamahan nitong sina Antonio Aloc Jr., 27, ng Montalban, Rizal; Bryan Ajoc, 24, ng Pateros, Metro Manila at Richard Lee ng Cubao, Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang nailigtas na biktima na si Lorenzo Tobiano, 19, veterinary student sa Gregorio Araneta University Foundation na kinidnap ng 12 mga armadong kalalakihan na lulan ng isang kulay berde at kulay abong Toyota Corolla pasado alas-12 ng tanghali sa harapan ng pinapasukan nitong eskuwelahan sa Bagong Lote St., Potrero, Malabon noong Agosto 2.
Ang biktima ay nailigtas ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos ang pitong araw na pagkakabihag nang magawa nitong takasan ang kanyang mga kidnappers at makatawag sa cellphone ng kanyang kapatid noong Agosto 9 bandang alas-11 ng tanghali.
Base na rin sa salaysay ni Tobiano, dinala siya ng mga suspek sa Pinatubo resettlement sa Capaz, Tarlac at itinago sa loob ng septic tank na kasalukuyan pang ginagawa.
Nabatid na sa loob din ng nasabing septic tank pinakakain ng mga kidnappers ang biktima habang nakikipagnegosasyon sa P80M ransom sa pamilya ni Tobiano hanggang sa masakote ang mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)