3 'drug pusher' tinodas ng vigilante

ALIAGA, Nueva Ecija – Tatlo katao na pinaniniwalaang mga drug pushers ang natagpuang patay ng pulisya na nakalutang sa dalawang magkahiwalay na irrigation canal sa Brgy. San Pablo Matanda at boundary ng San Miguel na Munti, Talavera at Brgy. Umangan ng bayang ito kahapon.

Kinilala ni Nueva Ecija PNP Provincial Director P/Supt. Raul Bacalzo ang mga biktima na sina Rex Tuazon ng Brgy. Bucot; Lando Mariano at Reggie Reyes na kapwa residente ng Brgy. San Nicolas, Gapan, Nueva Ecija.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya, ang bangkay nina Tuazon at Mariano ay natagpuang nakalutang sa irrigation canal ng Brgy. San Pablo Matanda habang ang bangkay ni Reyes ay nakita ng mga residente ng Brgy. Umangan na nakalutang sa irrigation canal ng nabanggit na lugar.

May teorya ang pulisya na ang mga biktima ay pinatay ng grupo ng vigilante sa ibang lugar bago itinapon sa naturang barangay upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments