Obrero nangalampag ng pinto binoga ng sikyu

LUCENA CITY – Binaril hanggang sa mapatay ng isang security guard ang isang lasenggong obrero matapos na kalampagin ang pintuan ng establisimyentong binabantayan ng suspek sa kahabaan ng Quezon Avenue sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Supt. Federico Torte, chief of police ang biktimang si Joseph Llego, 33, binata at residente ng Lagos St. Barangay 8, samantalang tumakas naman ang sikyu na nakilalang si Oscar Icong, 22, ng Barangay Gulang-Gulang at empleyado ng Cobra Security Agency.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Renato Polobello, may hawak ng kaso, dakong alas-11:45 ng gabi ay binabantayan ng suspek ang Avenue Books Store nang biglang lumapit ang biktima at kinalampag ang pintuan ng establisimyento.

Pinagsabihan umano ng suspek ang biktima na itigil ang ginagawa nito subalit nagpatuloy pa rin ang biktima hanggang sa maubos ang pasensya ng una at binaril sa dibdib ang huli na siya nitong ikinamatay. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments