Drug pusher nilikida

IMUS, Cavite – Isang 34-anyos na lalaki na umano’y kilalang nagtutulak ng droga ang binaril at napatay ng hindi kilalang armadong lalaki kamakalawa ng hapon sa Barangay Alapan 1-D ng bayang ito.

Ang biktima na sabog ang mukha sanhi ng isang tama ng bala ng baril ay si Ronnie Oaes, may asawa ng nabanggit na barangay.

Samantala, ang suspek na hindi pa nakikilala ay mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril at posibleng kakilala ng biktima na may kaugnayan din sa droga ang motibo ng krimen.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Frederick Esguerra, may hawak ng kaso, naganap ang krimen bandang ala-1:15 ng hapon habang ang biktima ay naglalakad sa kahabaan ng National Irrigation Authority (NIA) ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat ng pulisya, may ilang nakasaksi sa pangyayari na sinalubong ng suspek ang biktima bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa barilin ito sa mukha. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments