Ito ngayon ang pinag-aaralan upang masibak sa puwesto ni Interior and Local Government Secretary Jose Lina, Jr. dahil na rin sa inihaing reklamo ng mga concerned citizen.
Napag-alaman sa ulat kahapon sa weekly radio program ni Lina na ang nasabing konsehal na pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan ay hindi makabasa ng simpleng sulat o sumulat at lumagda ng kanyang pangalan.
Kaya lahat ng mga dokumento na kinakailangan ng lagda ng bagong halal na konsehal ay ipinadadala pa sa kanyang bahay upang mabasa ng kasambahay bago ito nilalagdaan.
Nabatid pa sa ulat na nakapagsumite ang "no read, no write" na kandidato sa pagka-konsehal ng kanyang candidacy bago nanalo noong nakaraang May 14 elections sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.
Sinabi ni Joselito Placides, isang DILG legal officer na nasasaad sa ilalim ng batas na kinakailangang ang isang kandidatong mananalo bilang konsehal ay registered voters na marunong magbasa at sumulat.
Subalit idinagdag ni Placides na ang qualification ng isang kandidato sa anumang puwesto ay nasa ilalim na ng Commission on Election (Comelec) na may kapangyarihang i-disqualify ito.
Nabatid pa sa ulat na maaaring mawala na ang jurisdiction na ma-disqualify ng Comelec ang naturang konsehal dahil sa lumagpas na ang 10 araw bago maiproklama ang bagong halal na municipal councilor.
Inatasan na ni Sec. Lina ang mga abogado ng DILG legal services upang pag-aralan ang kaso ng "no read, no write" na konsehal upang legal na masolusyunan ang isinampang reklamo laban dito. (Ulat ni Perseus Echeminada)