Sinabi ni Police Chief Supt. Amado Marquez na ang grupo ng sindikato ay kinabibilangan ng limang kalalakihan at isang babae subalit pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan upang hindi maantala ang isinasagawang paniniktik sa grupo.
Tanging mga larawan lamang ang ipinamahagi ng mga tauhan ni Marquez sa lahat ng mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga establisimyento at inatasang ipagbigay alam sa kinauukulan kapag ang ipinambayad ay credit cards.
Nabatid pa kay Marquez na ginagamit sa modus operandi ng sindikato ang may 17 Visa at Mastercard credit cards na pawang peke, nakaw at ang isa ay mula pa sa bansang Norway na iniulat na ninakaw.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, ang grupo ng sindikato ay dumating sa Bacolod City noong Hunyo 15 at nag-check-in sa Bacolod Convention Plaza Hotel bago lumipat sa ibat ibang hotel.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya sa ilang banko, lumalabas na may nakuha na ang mga sindikato sa ilang establisimyento na kinabibilangan ng top-of -the-line celluar phones, laptop computers, video cameras at mamahaling relos. (Ulat ni Antonieta Lopez)