46.6 kilong shabu ninakaw sa korte

CAMP VICENTE LIM, Calamba – Tinatayang aabot sa 46.6 kilo na shabu na nagkakahalaga ng P93.2 milyon ang ninakaw ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan matapos na pasukin ang Mamburao Regional Trial Court kamakalawa ng gabi.

Ayon sa pulisya, ang mga suspek na may dalang Hydraulic jack, iron bar, screw driver, chisel at mason ay dumaan sa likurang bahagi ng nasabing korte bago isagawa ang pagnanakaw .

Naganap ang pangyayari sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-12 ng hatinggabi.

Sa inisyal na ulat ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang mga ninakaw na droga ay idiniposito sa korte bilang ebidensya laban sa mga nasakoteng drug traffickers na sina Chi Chan Lui, alyas Chan Que at Sui Chong, alyas Leufu Shinglao.

Magugunitang ang mga suspek ay lulan ng lumubog na bangka na naglalaman ng kilu-kilo na shabu noong Disyembre 1999 patungo sa Lubang Island nang masabat ng mga awtoridad.

Nabatid pa na natuklasan lamang ang pangyayari ni Manny Malunes, isang utility worker habang papasok ng kuwarto ng nasabing korte. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments