Amok sa piyestahan: 5 katao grabe

Nabahiran ng dugo ang pagdiriwang ng isang masayang piyestahan makaraang mamaril ang isang nag-amok na lalaki na nagresulta sa grabeng pagkasugat ng lima katao sa Gandara, Western Samar, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ang mga biktimang malubhang nasugatan na sina Mario Abbarracoso, 39; Jedie Bote, 23; Erwin Bustamante, 23; Fericho Habeguer, 23 at Raffy Nido, 27.

Ang mga biktima ay mabilis na isinugod sa Calbayog City Hospital na inoobserbahan sa maselan nilang kondisyon.

Nakilala naman ang suspek na si Rene Labalan at dalawa pang nagsilbing lookout base na rin sa testimonya ng ilang testigo.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang ala-1:25 ng madaling araw habang ang mga biktima ay nanonood ng selebrasyon ng kapiyestahan sa Brgy. San Pablo, Catbalogan, Western Samar nang maganap ang insidente.

Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments