Driver todas sa pinasabog na kotse ng amo

Halos magkagutay-gutay ang katawan ng driver ng isang negosyante makaraang sumabog ang inilagay na bomba sa loob ng kotse na paaandarin ng biktima kamakalawa ng gabi sa Manticao, Misamis Oriental.

Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Richard Montecalvo, may sapat na gulang, at residente ng Zone 10, Bulua, Cagayan de Oro City.

Ang pinasabog na kotseng Toyota Corolla na may plakang MBF-629 ay pag-aari ni Georgia Espinoy na nakaparada malapit sa kanyang bahay.

Batay sa ulat mula sa Camp Crame, naganap ang pagsabog dakong alas-11:00 ng gabi sa Brgy. Poblacion, Manticao ng naturang lalawigan.

Ayon pa sa ulat na pinauna ni Espinoy ang kanyang driver upang paandarin ang nasabing kotse dahil may pupuntahan na hindi binanggit ang lugar.

Pagbukas pa lamang ng kotse ay bigla itong sumambulat na naging dahilan upang tumilapon ng ilang metro ang biktima bago namatay habang si Espinoy naman ay natulala sa nakitang pangyayari.

Nabatid pa sa imbestigasyon ng pulisya na bago naganap ang pangyayari ay marami nang natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay si Espinoy sa hindi mabatid na kalalakihan.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pangyayari. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments