Sa isang press statement na ipinalabas kahapon ni Victor Servidores ng Fortunato Camus Command, sinabi nito na nararapat lamang mamatay si Aguinaldo dahil nakagawa ito ng maraming uri ng krimen laban sa taumbayan.
Sinabi ng mga ito na ginawaran nila ng kamatayan si Aguinaldo bilang ganti na rin sa paggamit nito ng pinakamalupit na paraan ng pag-torture sa mga nahuhuling miyembro ng makakaliwang kilusan.
Ayon sa mga ito, sa buong panahon umano ng panunungkulan sa Konstabularya (PC) bilang pinuno ng Intelligence Officer ng Recom 2 at bilang Provincial Commander ng Cagayan ay pinatunayan ni Aguinaldo kung gaano ito kasugid sa pagpapatupad ng programang kontra-insurhensiya sa lalawigan ng Cagayan.
Kinondena naman kahapon ng mga mambabatas sa pamumuno ni Speaker Feliciano "Sonny" Belmonte, Jr. ang pag-ambushed kamakalawa ng gabi kay Cagayan Rep. Rodolfo Aguinaldo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sa pinakahuling privilege speech ni Aguinaldo, isiniwalat nito ang sunod-sunod na death threats na kanyang natanggap mula sa mga miyembro ng NPA sa kanyang probinsiya.
Kinondena rin ng Senado ang marahas na pagpatay kay outgoing Cagayan Congressman Rodolfo Aguinaldo.
Nararapat lamang na magsagawa ng masusing imbestigasyon ang pamunuan ng pulisya upang matukoy ang tunay na motibo sa pagpatay sa naturang congressman.
Gayunman, sinabi ni Luis Jalandoni na hindi siya magtataka kung ang NPA nga ang may kagagawan nito dahil maraming dapat pagbayaran si Aguinaldo sa mga rebelde dahil sa ginawa niyang pagpapahirap sa mga nadakip na miyembro ng CPP-NPA-NDF noong panahon ng rehimeng Marcos.
Magugunita na si Aguinaldo na natalo nitong nakaraang eleksyon bilang kinatawan sa Kongreso sa ikatlong distrito ng Cagayan ay nagsampa ng election protest sa Commission on Elections (Comelec) kung kaya hindi rin ibinabasura ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika ang pagkamatay nito.
Napag-alaman na si Aguinaldo kasama ng kanyang bodyguard na si SPO1 Joey Garro ay tinambangan ng tatlong armadong kalalakihan sa harap ng kanyang inuupahang apartment sa B-135 Magallanes st., Bgy. Poblacion, Tuguegarao, Cagayan dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa. (Ulat nina Joy Cantos, Malou Rongalerious, Doris France at Lilia Tolentino)