Senglot na obrero nilasog ng tren

PAGBILAO, Quezon – Dahil sa kalasingan sa alak, isang obrero ang nagkalasug-lasog ang katawan at namatay makaraang mahagip ng tren habang sakay ang biktima ng trolley sa Sitio Maruhi, Brgy. Pinagbayanan, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagkagutay-gutay ay kinilalang si Alejandro Marin, 46, may asawa ng Brgy. Parang, nasabing lugar.

Sa ulat na tinanggap ni P/Chief Insp. Vilmor Manzano, hepe ng pulisya, dakong alas-12:00 ng hatinggabi naganap ang pangyayari matapos mag-inuman ang magpinsan mula sa bahay ng kanilang kaibigan.

Sakay umano ng trolley ang biktima kasama ang pinsang si Edgar Masilang nang mamataan nila ang paparating na tren.

Nabatid pa sa ulat ni PO3 Allan Falqueza, may hawak ng kaso, mabilis na bumaba si Masilang subalit dahil sa kalasingan ay hindi na nakuhang makababa na naging sanhi upang mahagip ito nang rumaragasang tren. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments