Isa sa mga suspek ay nakilalang si Raymund Tomandizu, may sapat na gulang habang bineberipika pa ang pangalan ng isang kasamahan nito.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, dakong alas-2:30 ng madaling araw ng makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Dumaguete City Police Station mula sa isang security guard ng St. Paul College hinggil sa nakita nitong presensiya ng limang armadong kalalakihan sa bisinidad ng eskwelahan.
Agad na nagresponde ang mga tauhan ng pulisya at sa pangunguna ni SPO3 Romarico Elumba at papasok pa lamang sa eskuwelahan ay agad silang nakita ng lookout ng mga suspek.
Kasalukuyang nilalagare ng mga suspek ang bintanang bakal ng Treasurer’s office upang nakawin ang kinita ng eskuwelahan mula sa enrollment fees ng mga estudyante ng dumating ang mga kagawad ng pulisya.
Sa kabila nang pagbibigay ng warning shot ng mga awtoridad, upang sumuko ay nakipagbarilan pa ang mga suspek na nagresulta sa pagkasawi ng 2 bago tumakas naman ng tatlong suspek.
Narekober sa tabi ng bangkay ng mga napatay na suspek ang isang cal. 38 revolver, 12 spare rounds ng bala para sa cal. 38, bunch keys, screw drivers, cellphone, bote ng himag oil, pala, martilyo, panghukay, wire cutter, GI pipe, hacksaws atbp. (Ulat ni Joy Cantos)