Trak vs. jeep: 3 natodas, 5 grabe

CAMP OLIVAS, Pampanga – Tatlo katao ang kumpirmadong nasawi, samantalang lima pa ang malubhang nasugatan matapos na salpukin ng isang dump truck ang pampasaherong jeep sa kahabaan ng North Luzon Expressway, Mabalacat, Pampanga, kamakalawa.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Regional Office (PRO3) Director Chief Supt. Enrique "Ike" Galang, nakilala ang mga nasawing biktima na sina James Galisano, 24, Edna Udaundo, 37 at Arlyn Escobar, 23, pawang taga-lalawigan ng Ilocos Norte.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas-11:15 ng tanghali habang binabagtas ang kahabaan ng kilometer 86 malapit sa Barangay Mawaque sa North Luzon Expressway ay biglang nawalan ng kontrol ang dump truck at mabilis na sumalpok sa kasalubong na isang pampasaherong jeep na doon ay lulan ang mga nabanggit na biktima.

Mabilis na tumakas ang hindi nakilalang driver ng dump truck matapos ang pangyayari na ngayon ay tinutugis ng pulisya. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments