Driver tinodas ng pasahero

KAWIT, Cavite - Binaril at napatay ang isang driver ng pampasaherong jeep ng kanyang pasahero makaraang magtalo sa pasahe na ibinayad ng suspek, kahapon ng madaling araw sa Brgy. Marulas ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rodito Roxas, 50, ng Brgy. San Nicolas I, Bacoor, Cavite.

Samantala, ang suspek na hindi kaagad nakilala ay mabilis na tumakas sakay ng isang pampasaherong bus patungong Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas 5 ng madaling araw habang ang minamanehong jeep ng biktima na may plakang DWE-677 ay patungong Zapote mula sa Cavite Export Processing Zone Development Authority (CEPZDA).

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya sa ilang pasahero, nairita umano ang suspek sa pagmumura ng biktima sa ilang pasahero na nagbabayad ng hindi barya.

Sinabihan umano ng suspek ang biktima na maghinay-hinay sa pagsasalita sa mga pasahero.

Subalit minura din ang suspek kaya napilitang barilin sa batok si Roxas na naging dahilan ng kanyang kamatayan. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments