Pagmamay-ari ng pabrika ng pekeng pera hindi kay Gob. Luis Villafuerte

KAMPO SEMOEN OLA – Pinabulaanan kahapon ng kampo ni Governor elect Luis Villafuerte ang napaulat sa pahayagang ito (PSN) noong Mayo 24 na siya ang may-ari ng pabrika ng pekeng pera na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng 5th Regional Intelligence and Investigation Group (RIIG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Brgy. Jobo Minalabao, Camarines Sur noong May 14.

Sinabi ni Villafuerte na wala siyang kinalaman sa modus operandi ng sindikato na gumagawa ng mga pekeng pera na hinihinalang ipinakalat noong nakalipas na eleksyon.

Samantala, nasakote naman ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek na nakilalang si Renato Magtibay ng Batangas na pinaniniwalaang miyembro ng kilabot na Budol-budol Gang.

Magugunitang sinalakay ng mga ahente ng pamahalaan ang pabrika ng pekeng pera dakong alas 5 ng hapon habang nasa kainitan ng bilangan sa nasabing lalawigan.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga papel at kimikong penol na ginagamit sa paggawa ng pekeng pera. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments