Pabrika ng pekeng pera sinalakay

KAMPO SEMEON OLA – Isang pabrika na pagawaan ng pekeng pera na pag-aari ng isang pulitiko ang sinalakay ng pinagsanib ng 5th RIIG (Regional Intelligence and Investigation Group) at CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) sa Barangay Jobo Minalabao, Camarines Sur noong Mayo 14.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng Phil. National Police na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan, ang pagsalakay ay isinagawa noong Mayo 14 habang sa kainitan ng eleksiyon dakong alas-5:00 ng hapon.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang makina na ginagamit sa paggawa ng pekeng pera, mga papel at kemikal na "PENOL" na siyang ginagamit upang makagawa ng pera at mga pekeng tig-iisang libong piso at tig-lilimang daang piso.

Napag-alaman na isang tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nakabase sa Metro Manila ang sangkot sa naturang operasyon.

Batay sa nakalap na impormasyon ng PSN at ayon na rin sa intelligence report ng pulisya, si Gov.-Elect Luis Villafuerte ang di-umano’y nagmamay-ari ng naturang pagawaan ng pekeng pera na sinalakay ng mga awtoridad.

Nabatid na milyong piso na ang naimprenta ng naturang pagawaan at pawang naipakalat sa ibang panig ng Kabikulan upang gamitin sa araw ng eleksiyon.

Sa ngayon ay inihahanda na ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Central Bank Law laban sa mga sangkot sa naturang pagawaan ng pekeng pera. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments