Sinabi nina JO3 Francisco Agrabante at JO2 Eric Nebril, mga nakatalagang jailguard nang matagpuan ang bangkay nina Monato Caramel, 19, ng Sitio San Lorenzo Ruiz, Taytay; at Pedro Alcente, 43, ng Lupang Arienda, Floodway, Taytay, Rizal, na pawang may malubhang sakit bago binawian ng buhay.
Itinanggi ng dalawang jailguard na may foul play na naganap sa kamatayan ng mga biktima dahil sa natural na kamatayan umano ang inabot ng mga ito.
Itinanggi rin ng mga ito na magkasunod na namatay ang dalawa dahil sa higit umano sa isang linggo ang pagitan ng magkahiwalay na insidente.
Nakadagdag pa sa sakit ng dalawang biktima ang siksikan, madumi at mabahong kalagayan ng Taytay Municipal Jail. Ayon sa mga jailguards, meron lamang na 50 presong kapasidad ang kulungan, ngunit nagsisiksikan dito ang may 89 preso.
Noong nakaraang taon, sunod-sunod ang pagkamatay rin ng mga inmates sa naturang kulungan dahil sa pagkalat ng epidemyang tuberkulosis at pigsa. (Ulat ni Danilo Garcia)