Ayon sa natanggap na ulat ni Philippine Coast Guard (PCG) District-National Capital Region-Central Luzon Commodore Reuben Doria mula kay Zambales Coast Guard Chief Lt. Commander Pablo Gonzales, inilarawan ng mga ito ang nadiskubreng "wreckage" ng nasabing galleon na nasa ilalim ng dagat, may 100 hanggang 150 talampakan na matatagpuan sa pagitan ng Hermana Mayor at Hermano Minor Islands 6 Nautical Miles Hilagang bahagi ng Sta. Cruz, Zambales.
Ang naturang "wreckage" ay nadiskubre ng ilang mga lokal na mangingisda na gumagamit ng "compressor" habang ang mga ito ay nangingisda sa ilalim ng karagatan.
Ayon kay Gonzales, nagbuo kaagad sila ng isang grupo ng specialized deep sea divers mula sa Coast Guard at nagsasagawa na ng isang operasyon sa ilalim ng dagat.
Sa isinagawang operasyon ay nakakuha ang mga deep-sea divers ng ilang piraso ng mamahaling kagamitan tulad ng Chinese porcelain artifacts, jars, dinner wares, potteries at ilang piraso ng ginto.
Nagsumite na ang tanggapan ng Coast Guard sa kanilang main headquarters sa Manila ng ilang mga artifacts mula sa nadiskubreng galleon at nag-request na sila ng mga representante mula sa National Museum para sa carbon dating at analysis.
Bunsod nito ay mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Coast Guard ang lugar upang mapigilan ang mga private divers na manghimasok sa natagpuang galleon at manguha ng mga artifacts nito. (Ulat ni Jeff Tombado)