11 private armies nasakote sa beach resort

SAN ANDRES, Catanduanes – Tinatayang aabot sa umano’y 11 miyembrong private armies ni Governor Hector Sanchez na may hawak na matataas na kalibre ng baril ang nasakote ng mga operatiba ng 5th Police Regional Mobile Group (PRMG) sa loob ng Monte Cielo Beach Resort sa Brgy. Palawig, kamakalawa ng umaga sa bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang mga ‘goons’ na sina Jonathan Diaz, ex-Phil. Marines; Edgar Alenta, ex-Navy; Julian Parcon, Bernabe Centeno, ex-Police; Salvador Bibit Jr, dating sundalo; Jesus Balines, Manuel Valencia, Roberto Bustillo, Jesus Balcotelo, Epitacio Tinio at Gregorio Sagun na pawang mga residente sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Ayon sa ulat ng pulisya, nilusob ng mga tauhan ni Catanduanes PNP Provincial Director P/Supt. Charles Calima Jr., ang beach resort ng gobernador dakong alas-11:15 ng umaga noong Mayo 1 dahil may intelligence report na nagkukuta ang mga suspek sa nasabing lugar.

Kabilang sa nasamsam na malalakas na kalibre ng baril ay 4 na M-16 armalite rifle; M14 rifle, 12 gauge shotgun, kalibre 38 pistola at hindi nabatid na bilang na bala ng baril na pawang walang kaukulang dokumento.

Nabatid naman sa ulat ng pulisya na wala ang naturang gobernador sa nabanggit na beach resort nang isagawa ang pagsalakay.

May teorya ang pulisya na pawang mga upahang ‘goons’ umano ng gobernador ang mga suspek para gamitin sa May 14 elections. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments