Mayoralty bet pinigil sa pangangampanya ng NPA rebels

CAMP NAKAR, Lucena City – Isang kandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng Pagbilao sa Quezon ang pinigil sa kanyang pangangampanya ng mga rebeldeng NPA kamakalawa dahil sa kawalan nito ng ‘permit to campaign’ na karaniwang iniisyu ng mga rebelde sa mga kandidato na nagtutungo sa mga lugar na sakop ng mga ito.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), nakilala ang kandidatong pinatigil sa pangangampanya na si Rodrigo Oriola, opisyal na kandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng Pagbilao sa ilalim ng partido Lakas-NUCD.

Ayon sa ulat, dakong alas- 8 ng gabi habang nasa kainitan ng pangangampanya si Oriola at ang kanyang mga supporters sa Barangay Ilayang Palsabangon, Quezon ay nilapitan sila ng sampung mga armadong kalalakihan kasama pa ang tatlong amasona.

Sinita umano ng mga rebelde ang grupo ni Oriola at hinanapan ang mga ito ng permit to campaign (PTC). Nang walang maipakitang PTC si Oriola ay puwersahan itong pinahinto sa pangangampanya ng mga rebelde.

Magugunitang ang PTC ay iniisyu ng mga rebelde na may kapalit na kaukulang halaga. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments