Ama binoga ng anak, grabe

KAWIT, Cavite – Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang ama makaraang barilin siya ng kanyang sariling anak makaraang ipagtanggol nito ang kanyang ina sa mainitang pagtatalo ng dalawa, kamakalawa ng umaga sa Barangay Tambon sa bayang ito.

Ang sugatang ama na ginagamot ngayon sa Kalayaan Hospital ay nakilalang si Edgardo Palacio, 55, ng Garland Subdivision ng nabanggit na barangay.

Tumakas naman ang suspect na anak na si Antonio, 25. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga habang nag-aalmusal ang pamilya Palacio nang magkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa.

Akmang babatuhin ng bote ng biktima ang kanyang misis na siyang ikinagalit ng kanilang anak.

Mabilis na tumayo ang suspect at kinuha ang baril at saka pinaputok sa ama na tinamaan sa sikmura.

Matapos ang isinagawang pamamaril ay mabilis naman itong tumakas. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments