Major Buan, palalayain ngayon

Inaasahang lalaya na ngayong araw na ito ang natitira pang prisoners of war ng New People’s Army (NPA) na si Army Major Noel Buan sa isang liblib na lugar sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Nabatid na nakaantabay na ang puwersa ng pamahalaan sa ligtas na pagpapalaya kay Buan na mahabang panahon na ring bihag ng mga rebeldeng NPA sa Southern Tagalog Region.

Si Buan ay susunduin ng mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na siyang maghahatid dito sa mga kinatawan ng humanitarian mission na kinabibilangan nina Senadora Loren Legarda at Silvestre Bello III.

Sa kabila rin ng pangako ng mga rebelde na palalayain si Buan sa Calapan City ay nakatutok rin ang pansin ng mga kinatawan ng pamahalaan sa iba pang lugar na posibleng gawing ‘site of release’ tulad ng ilang bayan sa Quezon at Laguna dahilan baka biglang magbago ang isip ng mga ito.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Edilberto Adan, taga-pagsalita ng AFP na si Buan ay isasa ilalim sa de-briefing ng Phil. Army matapos itong sumailalim sa medical check-up sa sandaling mapalaya na ito.

Nakaantabay na rin doon ang pamilya ni Buan na nagsabing isang cake muli ang kanilang gagawin para dito na nagdiwang ng kanyang ika-39 na kaarawan kamakalawa. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments