Suspect sa rape-slay coed nasakote

TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Nadakip ng mga tauhan ng Intelligence and Investigation Division sa lunsod na ito ang isa sa apat na pangunahing suspect na sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa isang mass communication student may ilang buwan na ang nakakalipas sa Barangay Inocencio ng lunsod na ito.

Kinilala ng pulisya ang nadakip na suspect na si Rodel Villa, alyas Otok, ng nabanggit na barangay.

Ang suspect ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Regional Trial Court sa kanyang hideout sa naturang barangay.

Matatandaan na ang biktimang si Jade Mojica, ay hinihinalang ginahasa muna bago pinatay ay natagpuan sa isang kubo sa Barangay Inocencio sa lunsod na ito ng apat na suspect.

Batay sa rekord ng pulisya dakong alas-7 ng gabi noong nakalipas na Oktubre 24, ng nagdaang taon matapos ang klase ng biktima sa Cavite State University ay sumakay ito ng pampasaherong jeep na minamaneho ng isa sa mga suspect na nakilalang si Ilagan.

Mula noon ay hindi na nakauwi pa ang biktima hanggang makalipas ang ilang araw ay natagpuan ang bangkay nito sa isang kubo sa nabanggit na barangay.

Walang saplot at tadtad ng saksak sa katawan. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments