Pagpugot kay Schilling ipinagpaliban

Ipinagpaliban ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang banta nilang pagpugot ng ulo sa bihag nilang black American na si Jeffrey Schilling na naunang itinakda kahapon bilang umano’y regalo kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang ika-54 na kaarawan.

Sa inilabas na pahayag kahapon ng Abu Sayyaf Spokesman Abu Ahmad al Salayuddin, alyas Abu Sabaya na ang pagsuspinde sa kanilang planong pagpugot ng ulo sa dayuhang bihag ay base na rin sa apela na ginawa ng ina nito na si Carol Schilling at asawang si Ivy Osani.

Si Ivy ay pinsang buo ni Sabaya.

Magugunitang ilang oras bago magtapos ang deadline na itinakda ng bandidong grupo ay dumating sa bansa buhat sa Oakland ang ina ni Schilling na si Carol.

Kasama ang kanyang manugang na si Ivy ay nagtungo ang mga ito sa U.S Embassy at nakipag-usap sa mga U.S officials.

Kasabay nito, luhaang nanawagan si Mrs. Schilling sa grupo ni Sabaya na huwag saktan ang kanyang anak.

"Nanawagan ako sa kanila (ASG) na maawa sa aking anak, nag-iisa ko siyang anak at bagamat nabiyayaan akong magkaroon ng manugang, huwag naman ninyo ilayo sa akin ang aking anak. Kailangan namin siya para mabuhay, marami na siyang dinanas na hirap sa inyong mga kamay", panawagan pa ni Mrs. Schilling.

Bukod dito, nabatid na umapela rin kay Sabaya si Hector Janjalani, kapatid ng yumaong ASG founder na huwag ituloy ang pagpugot sa ulo ni Schilling.

Kasabay naman nito, nanawagan rin si Sabaya sa pamahalaang Arroyo na makipag-dialogo sa kanilang grupo para sa ikaaayos ng lahat.

Magugunitang naunang hiniling ng bandidong grupo sa pamahalaan na ipadala sa kanila ang ambasador ng Saudi Arabia para siyang manguna sa isasagawang negosasyon sa pagpapalaya sa kanilang bihag.

Nagbigay ng ultimatum ang mga bandido hanggang alas-5 kahapon at kung hindi umano ay pupugutan nila ng ulo si Schilling at ito ay regalo nila sa Pangulo. Sa kabila nito ay hindi naman natinag ang pamahalaan bagkus nagdeklara pa nga ng all-out-war laban sa grupo.

Sumapit ang takdang oras at nagpahayag nang pagpapaliban sa pagpugot kay Schilling.

Gayunman binanggit ng ASG na itutuloy nila ang pagpugot kay Schilling sakaling magkamali ng kilos ang militar.

Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Executive Secretary Renato De Villa na ikinalugod nito ang naging desisyon ng Abu Sayyaf.

Gayunman, binigyang diin nito na hindi maaaring bawiin ng Malacañang ang policy nito na all-out war laban sa Abu Sayyaf kahit hindi itinuloy ang pagpugot ng ulo ni Schilling.

Sinabi ni De Villa na bagamat magandang balita para sa lahat ang hindi pagpugot ng ulo kay Schilling subalit hindi maaaring sumang-ayon ang gobyerno sa hinihinging kondisyon ng bandidong grupo. (Ulat ni Rose Tamayo, Ely Saludar at Joy Cantos)

Show comments