Ayon kay Fr. Robert Reyes, lumilitaw na direktang itinuturo ng kanilang testigo na sina Rep. Ramon Punzalan, Quezon Provincial Commander Col. Charlemagne Alejandrino, Lucena City Mayor Ramon Talaga, Atilano Alcala na malawakang namamalakad sa sindikato ng pagbebenta ng shabu.
Batay sa testimonya ni Jonathan Perpinan na sinasabing personal na driver/bodyguard ni Alcala na nadiskubre niya ang malawakang sabwatan sa pagbebenta ng shabu sa lalawigan ng Quezon.
Noon umanong Agosto 24, ng nagdaang taon ay nasakote ng taumbayan ang shipment ng 365 kilo ng shabu na agad na inireport sa pulisya.
Dahil ditoy siya umano ang pinaghinalaan nina Alcala at Col. Alejandrino na naghulog sa shipment at dahil sa matinding takot na baka siya likidahin ay agad siyang nagtungo sa Maynila.
Tuluyan siyang nagtago sa takot na baka siya patahimikin ng grupo dahil na rin sa dami ng kanyang nalalaman sa ilegal na operasyon ng mga ito.
Gayunman, nasundan umano siya ng sindikato at maging ang kanyang kapatid na si Victorina ay dinukot din ng grupo noong nakalipas na Marso 26, 2001.
Kabilang pa sa sinampahan ng kaso ay sina Capt. Enrico Villanueva DEU, Lucena; isang nagngangalang Diocos, miyembro din ng PNP-Quezon; PNP SWAT Formaran; Norman Pacia at Abel Aguilar, dating mga PNP member at ilan pang mga pangalan na binanggit sa complaint affidavit.
Pinabulaanan naman nina Congressman Punzalan at Senior Superintendent Alejandrino at Mayor Talaga ang inaakusa sa kanila ni Perpinan.
Si Congressman Punzalan ay nakatakdang magharap ng kasong libelo laban sa mga taong nagsangkot sa kanya sa drug trafficking, kasabay pa nang pagsasabing posibleng ito may kinalaman sa pulitika.
Ayon naman kay Mayor Talaga, malabong mangyaring sangkot siya sa sinasabing ilegal drug trade dahil kilala siyang unang-unang lumalaban sa sindikatong ito.
Halos ganito rin ang ipinahayag ni Alejandrino at Congressman Punzalan na nagsabing hindi nila nakikilala ang whistle- blower na si Perpinan. (Ulat nina Grace Amargo at Tony Sandoval)