GRO malakas sa ladies drink, binetsin ng kustomer

DAET, Camarines Norte – Ikaw ba ay isang Guest Relation Officer o GRO at matakaw ka ba sa ladies drink ? Puwes magsilbi sana itong babala sa iyo.

Isang GRO na sinasabing matakaw sa ladies drink ang inutakan ng kanyang kostumer sa pamamagitan ng paglalagay ng vetsin sa iniinom nitong mamahaling ladies drink dahilan upang huminto ito sa ka-oorder dahil sa nahilo na siya sa dami ng vetsin na pumasok sa kanyang katawan.

Personal na nagtungo sa Daet Police Station ang GRO na si Mildred Mendoza, 18, stay-in sa Tiu Pacio’s Videoke Bar na matatagpuan sa Barangay Lag-on upang ireklamo ang isa niyang naging kostumer na nakilalang si Leo Yuson, estudyante.

Batay sa salaysay ng GRO, huli na ng kanyang matuklasan na ang matindi niyang pagkahilo ay hindi dahil sa dami ng nainom niyang ladies drink kundi dahil sa dami ng vetsin na inilagay ni Yuson sa kanyang huling inumin.

Sinabi naman ni SPO4 Aurelio Laborte, na batay sa pahayag ni Yuson nagawa umano niyang lagyan ng vetsin ang iniinom ng GRO dahil sa mabilis umano itong uminom at order nang order ng ladies drink na nagkakahalaga ng P200 bawat isang order.

Nabatid na pumasok ang suspect sa naturang bar kasama ang kanyang dalawang kaibigan at mabilis na inalok ng waiter ng magandang GRO na hindi naman nito tinanggihan.

Laking gulat nito na wala pang isang oras ay nakakatatlong ladies drink na si Mendoza na hindi niya nagustuhan dahil sa nananamantala na ito.

Mabilis umano itong (suspect) bumili ng vetsin sa kalapit tindahan at ng malingat ang GRO ay agad na binudburan ng vetsin ang basong gamit nito.

Dahil dito, pansamantalang tumigil sa ka-oorder ng drinks ang GRO dahil tinamaan ng hilo, dahil na rin sa maraming vetsin na pumasok sa katawan nito. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments