Kinumpirma kahapon ng NBI-Region 4 na hindi ang nawawalang PR man at driver nito ang natagpuang dalawang sunog na bangkay ng lalaki na kasamang natusta sa loob ng isang Revo na natagpuan sa Barangay Bueno, Paliparan, Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Dr. Antonio Bertido, hepe ng Medico-Legal Division ng NBI Region 4 na malayong sina Dacer at Corbito ang dalawang sunog na bangkay dahil sa pagkakaiba sa kanilang physical structure.
Nabatid na nagkaka-edad lamang sa 25-35 ang dalawang nakuhang bangkay, lalo’t higit hindi rin nag-match ang kanilang dental rekord kina Dacer at Corbito.
Si Dacer ay 64-anyos na habang si Corbito naman ay tinatayang nasa 40-anyos.
Bukod sa pagkasunog, iniulat din ng medico-legal expert na tinadtad din ng saksak sa katawan ang dalawa.
Samantala, inihayag naman kahapon ni Chief Supt. Domingo Reyes, PRO4 director na dalawang anggulo ang kanilang sinisiyasat ukol sa kaso.
Ito ang posibleng onsehan sa droga at ang anggulo ng pulitika.
Sinabi ni Reyes na kanilang natukoy sa LTO kung sino ang nagmamay-ari ng sinunog na Revo na may plakang WHI-379. Ito ay nakarehistro sa isang Marian Dizon ng Navotas, Metro Manila.
Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya ang nasabing sasakyan ay ginagamit ng isang alyas Doming Bayawak na nagagamit din sa ilegal na aktibidades.
Si Doming umano ay isang drug pusher na nagsu-supply ng droga sa Navotas at Cavite at ang nasabing sasakyan ang ginagamit sa operasyon.
Hindi naman nagbigay ng malinaw na dahilan si Reyes tungkol sa anggulong pulitika. (Ulat nina Ellen Fernando at Ed Amoroso)