Opisyal ng bangko at sikyu todas sa holdaper

SAN CARLOS CITY – Isang bank manager ng PCI-Equitable bank kasama ang kanyang security escort ang iniulat na napatay ng hindi pa nakikilalang mga holdaper habang ang mga biktima ay pabalik na buhat sa pangongolekta ng may P2,398,000 sa isang bangko sa karatig bayan sa may Barangay Coliling, kamakalawa.

Nakilala ang mga nasawi na si Fernando Fortich Sy, 52, at ang kanyang security escort na si Arturo Mariado, 33, ng Bonuan Gueset, Dagupan City.

Binanggit sa inisyal na imbestigasyon na hinarang ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang owner type jeep na pag-aari ng bangko na minamaneho ni Sy habang binabagtas ng mga ito ang Barangay Coliling.

Sinabi pa sa ulat na kakokolekta pa lamang ng mga biktima sa University Savings Loan Bank sa Malasiqui ng halagang P2,398,000 at pabalik na sa PCI-Equitable Bank nang harangin at paputukan agad-agad ng mga suspect.

Namatay noon din ang dalawa, habang ang isa pang security escort na nakilalang si Julie Bandong ay nakatakas naman.

Mabilis namang tumakas ang mga suspect dala ang perang nakolekta ng mga biktima. (Ulat ni Eva de Leon)

Show comments