Pulis pinatay ng kabaro

BAGUIO CITY – Hindi nakaligtas sa tumataas na kriminalidad na nagaganap sa siyudad maging ang pagdiriwang ng 6th Baguio Flower Festival Grand Opening Parade makaraang isang tauhan ng pulisya ang binaril at napatay sa mismong dinaanan ng parada sa Lake Drive ng Burnham Park, noong Sabado.

Ang naturang parada ay magugunitang pinasimulan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa harap ng Court of Appeals compound sa may Session Road Extension na hindi naglaon ay sinamahan din ng ilang senatorial aspirants.

Nakilala ang nasawing pulis na si SPO1 Claudio Caligtan ng Investigation Section ng Baguio City Police Office (BCPO). Siya ay nagtamo ng walong tama ng bala ng baril sa dibdib at namatay noon din.

Nabatid sa ulat na kararaan pa lamang ng naturang parada sa Melvin Jones football nang marinig ang alingawngaw ng putok ng baril sa bisinidad ng Police- Community Precinct.

Ayon kay BCPO Officer-in-charge Supt. Manuel Obrera na dalawang pulis din sa naturang himpilan ang suspect sa naturang pamamaril kay Caligtan. Isa sa mga ito ay nakilalang si SPO4 Wilbert Balantan na agad namang nadakip. Narekober dito ang baril ng biktima.

Tumanggi naman si Obrera na ihayag ang pangalan ng isa pang pulis na suspect habang isinasagawa pa ang imbestigasyon laban dito. (Ulat ni Aurora Alambra)

Show comments