Malagim na Valentine's Day, mister nagbaril sa harap ni misis

DASMARIÑAS, Cavite - Naging malagim ang pagdiriwang ng Valentine’s Day para sa isang mag-asawa makaraang masaksihan ng isang misis ang ginawang pagpapakamatay ng kanyang mister dahil sa matinding pagseselos, noong bisperas ng Araw ng mga Puso sa Barangay Paliparan 2 sa bayang ito.

Ang nasawi na sumabog ang utak sanhi ng tama ng cal.38 sa ulo ay nakilalang si Willy Scott, 23, American national at residente ng Block 57, Lot 4, Phase 4 ng Mabuhay Homes Subdivision ng nabanggit na bayan.

Batay sa ibinigay na salaysay ng Mrs. Maria Scott, 23, kay PO3 Cornelio Bugayong, may hawak ng kaso na dakong alas-10:45 ng gabi ng maganap ang insidente sa likod ng kanilang bahay.

Tinawag umano siya ng kanyang mister habang siya ay nag-aasikaso sa kusina kung kaya agad niya itong pinuntahan sa likuran ng kanilang bahay.

Nagulat na lamang siya nang makita niyang may hawak na baril ang kanyang mister na nakatutok sa sentido. Tinanong umano siya nito ng " Totoo ka ba o hindi ? Ano mo ba ako ?

Nabigla umano si Maria sa mga katanungan ng kanyang mister at hindi na nakasagot pa kundi umalingawngaw na ang malakas na putok ng baril sa kanyang harapan.

Ilang minuto ring natulala si Mrs. Scott sa kanyang nasaksihan lalo pa nga’t nakita nitong nagkalat ang utak ng kanyang asawa sa lapag.

Sa kanyang salaysay sa pulisya binanggit pa ni Mrs. Scott na simula umano ng dumating siya buhat sa Japan nitong nakaraang buwan ay napansin niyang palaging mainit ang ulo ng kanyang mister dahilan naman upang madalas silang magkasagutan.

May nakuha ring suicide note sa kama ng nasawi na nakasaad ang ganito: To Auntie Barbara ; Pls forgive me because I don’t make it.I love you all and tell may dad I love him so much. Tell my dad to forgive me also. I try to but....... I love you all.... Happy Valentine.

Ayon sa mga imbestigador, malaki ang posibilidad na matinding selos ang nagtulak kay Mr. Scott para magpakamatay, gayunman isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments