Trike Gang muling sumalakay

CAMP VICENTE LIM – Isang driver/ tricycle operator ang pinaslang at pagkatapos ay ninakaw pa ng hindi nakikilalang salarin na pinaniniwalaang miyembro ng " Tricycle Gang " ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Feeder Road, Barangay Biñan, Pagsanjan, Laguna.

Natagpuan ang malamig nang bangkay ng biktima na nakilalang si Ireneo dela Cruz, 32, sa Barangay Bagumbayan, Sta Cruz, Laguna. Ito ay hinihinalang hinataw ng matigas na bagay sa ulo at may palatandaan na pinahirapan muna bago tuluyang pinatay.

Wala rin ang wallet, pera at motorsiklo ng biktima. Base sa ulat dakong alas-4:30 ng madaling araw nang matagpuan ang labi ng biktima sa loob ng side car sa nabanggit na lugar.

Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya ukol dito, gayundin ang pagtugis sa mga suspect. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments