Nakilala ang mga nasawi na sina Ruben Bonanza, empleyado ng DAR; Balbino Ledesma, empleyado ng Provincial Veterinary sa Albay; Sharon Rueda, estudyante; Aida Salvadora, assistant manager sa Pag-ibig, Cecil Mendoza, empleyado ng GSIS.
Samantalang ang mga sugatan ay pawang isinugod sa ibat-ibang pagamutan.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-6:45 ng umaga habang ang Peñafrancia Tour bus ay patungong Naga City, samantalang ang L-300 van ay patungo naman sa Legazpi.
Binanggit sa ulat na mabilis ang takbo ng naturang bus nang salpukin ang naturang van na kinalululanan ng mga empleyado ng Napocor, GSIS at Pag-ibig na pawang papasok sa kanilang tanggapan na nakabase sa lungsod ng Legazpi.
Nabatid na bago naganap ang trahedya ay nakita na ng ilang testigo ang bus na tagilid na ang takbo nito na parang nawalan ng kontrol hanggang sa tuluyan nga itong sumalpok sa van at saka tumilapon at bumaligtad.
Sinabi pa sa ulat na nag-over take ang bus sa isang pampasaherong jeep at dahil sa bilis ay nawalan ng kontrol at hindi na nagawa pang makaiwas sa kasalubong na van.
Matapos ang aksidente, mabilis namang tumakas ang driver ng bus na nakilalang si Archie Ruls na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad. (Ulat ni Ed Casulla)