Sa 85 pahinang desisyon ni Judge Rodolfo Ponferrada ng MRTC-Branch 41, sinintensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo sina dating Sapang Dalaga, Misamis Occidental Mayor Rey Yap, ang kanyang nakakabatang kapatid na si Roy, isang nagngangalang Juditho Cara at Joselito Lacuna dahil sa ginawang pagpatay kay Victorino Cebedo, isang mortal na kalaban sa pulitiko ni Yap sa naturang lugar.
Iniutos din ni Judge Ponferrada sa mga akusado na bayaran ang pamilya ng biktima ng aabot sa P307,000 para sa moral at exemplary damages at burial expenses.
Bukod sa mga nabanggit, hinatulan din ng hukuman sina PO2 Nestor Manaquil at SPO4 Hilario Delgado ng 12 taon pagkakakulong dahil sa pagiging accesory ng krimen.
Bago pa man bumaba ang hatol sa dalawang pulis, iniulat na binawian ng buhay si Delgado sa loob ng piitan matapos ang ilang taon na pagkakakulong dahil sa nasabing kaso.
Base sa rekord, si Cebedo na tinaguriang isa sa mortal na katunggali ni Yap sa pagka-alkalde sa naturang probinsiya at kasapi sa National Peoples Coalition ay binaril habang nasa political rally sa Brgy. Birayan, Rizal, Zamboanga del Norte noong nakaraang Abril 29, 1992.
Si Cara na umaming siya ang triggerman ay inaresto makaraan ang pamamaslang at itinuro si Yap at ang mga kasabwat nito na siyang utak sa pagpatay kay Cebedo. (Ulat ni Ellen Fernado)