Ina, sumalo ng saksak para sa anak

ANTIPOLO CITY – Dahil sa matinding pagmamahal sa kanyang anak, nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang ina makaraang saluhin nito ang isa sa dalawang saksak ng nakaaway ng kanyang anak, kamakalawa ng gabi sa lunsod na ito.

Patawirin ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center ang ina na si Estrella Caindoy, 41, habang nakaligtas naman sa kapahamakan ang kanyang anak na si Richard, 18, ng Purok 2, Zone B, Barangay Cupang, Antipolo City.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas- 8 ng gabi sa harapan ng bahay ng mga biktima.

Nag-uusap umano ang biktimang si Richard at ang kanilang kapitbahay na suspect na si Percival dela Paz, 23, ng biglang magkasagutan ang dalawa. Isang saksak agad ang pinakawalan ni dela Paz na tumama sa sikmura ni Richard.

Susundan pa ito ng saksak ng suspect nang biglang humarang ang ina ng biktima na siyang napuruhan ng tama sa dibdib.

Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang isinagawang pananaksak sa mag-ina.

Hindi pa rin malinaw sa mga awtoridad kung ano ang pinag-awayan ng dalawa na dito nasangkot pa nga ang ina ni Richard. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments