Turistang Intsik, natagpuang patay

LAUREL, Batangas –Isang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang isang turistang Intsik ang natagpuang patay sa gilid ng Diokno Highway, kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Ayon sa ulat ni Supt. Ricardo Contreras, hepe ng Laurel Police Station, ang biktima na nakilala sa pamamagitan ng kanyang passport na inisyu ng Ministry of Foreign Affairs ng China ay si Ming Wen Chang, 37.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng Diokno Highway, sa Brgy. San Gregorio sa bayang ito. Ito ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa may kanang kilikili at hinihinalang pinatay muna sa ibang lugar bago itinapon sa nabanggit na barangay.

Binanggit pa sa ulat na ang biktima ay nagtataglay ng tattoo na kalapati sa kanyang katawan at nakasuot ng itim na t-shirt, maong pants at rubber shoes nang ito ay matagpuan.

Hindi pa malinaw sa pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa nabanggit na turista at kung sino ang posibleng may kagagawan sa naganap na krimen. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments