Bunso napatay ni kuya

CAMP NAKAR, Lucena City – Isang magsasaka ang sinaksak hanggang sa mapatay ang kanyang nakababatang kapatid matapos ang isang mainitang pagtatalo na may kinalaman sa kung sino sa kanila ang mas mahal ng kanilang ama, kamakalawa sa Macalelon, Quezon.

Nakilala ang nasawi na si Wilfredo Caparro, samantalang tumakas naman ang suspect na kuya na nakilalang si Rogelio, 35, ng Brgy. Damayan sa Macalelon ng nabanggit na lalawigan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi habang ang suspect ay masaya pang nakikipag-inuman sa kanilang mga kamag-anak dahil sa ipinagdiriwang noon ang kaarawan ng kanyang ama na si Pedro.

Dumating umano ang biktima na noon ay lasing na at kinompronta ang kanyang kuya tungkol umano sa sama nito ng loob dahil sa mas mahal siya ng kanilang ama.

Itinanggi naman ito ng suspect, gayunman, inundayan siya ng saksak ng kanyang nakababatang kapatid at sa kabutihang-palad ay nakailag ito. Dahil dito, kinuha ng suspect ang gulok na nakasuksok sa dingding at inundayan ng saksak sa katawan ang kanyang nakababatang kapatid na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan, samantalang mabilis namang tumakas ang suspect. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments