14 NPA rebels todas sa military encounter

Labing-apat na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang makaraan ang mainitang pakikipagsagupa sa tropa ng militar sa Sta. Ignacia, Tarlac kahapon.

Napag-alaman na dakong alas 11:45 ng umaga ng makatanggap ng intelligence report ang mga elemento ng Task Force Samat ng Bravo Company ng Army’s 69th Infantry Batallion (IB) hinggil sa namataang presensiya ng humigit kumulang sa 30 rebelde sa liblib na lugar ng Sitio Bordori, Brgy. San Vicente ng nasabing lugar.

Mabilis na nagresponde ang tropa ng Task Force Samat sa pamumuno ni 1 Lt. Charlie Escantilla at ng sumapit sila sa lugar ay kaagad silang sinalubong ng pagpapaulan ng punglo ng mga armadong rebelde.

Dito’y kaagad na nagkaroon ng mainitang pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.

Bunga ng kakapusan ng puwersa ng militar ay nagawang makatawag ng reinforcement sa tropa ng headquarters Service Batallion at mabilis na nagresponde ang mga ito sa pangunguna naman ni Capt. Danilo Hermono sakay ng isang V-150 kasama ang 33rd Light Armored Company ng Phil. Army na nakipagsagupa sa grupo ng mga rebelde.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang pitong M16 rifles, isang M6 35 baby armalite rifle, isang M203 grenade launcher, isang AK 47 rifle, isang carbine rifle, isang Thompson machine gun, personal na mga kagamitan at mga subersibong dokumento. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments