Trike driver dinukot bago pinatay

BOTOLAN, Zambales - Isang 49-anyos na trike driver ang iniulat na dinukot bago pinatay ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan sa Sitio Cawayan, Brgy. Santiago Botolan ng bayang ito, kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na natagpuan ng mga awtoridad sa madamong lugar ay nakilalang si Obedencio Ednacot at residente ng Mercedez St., Masinloc ng nasabing lugar.

Nabatid kay P/Sr. Insp. Marino Victoria, hepe ng Botolan PNP station, natagpuan ang bangkay ng biktima sa hindi kalayuan sa minamanehong Yamaha tricycle sa naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima sa Bulwagan ng Katarungan sa Iba, Zambales bago dukutin ng mga hindi nakilalang kalalakihan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang pulisya sa krimen upang alamin ang motibo ng pagpatay sa biktima. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments