Dead on arrival si SPO2 Larry Valencia, miyembro ng Western Police District (WPD), habang sugatan naman ang isa sa dalawang pulis na sumita dito hinggil sa umanoy illegal na pagbebenta ng paputok.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, dakong alas-3:00 ng hapon nang magtungo sina SPO3 Noel Calingasan Pesigan at PO2 Ernesto David, Jr., pawang miyembro ng Padre Garcia Police Station, Batangas PPO ang Public Market ng Padre Garcia, para mag-inspeksyon.
Ang nasabing operasyon ng mga pulis ay inilunsad sa kautusang maiwasan ang ilegal na pagbebenta ng mga paputok at mga pyrotechnics sa nasabing pamilihan.
Nang sumapit ang nasabing mga pulis sa puwesto ni Valencia ay hinilingan ito na ipakita ang kanyang business permit sa kanyang tindang paputok.
Nainis umano si Valencia sa dalawa, at dahil walang maipakitang permit ay pinaputukan nito ng baril ang dalawang pulis na nagresulta sa pagkakabaril sa braso at dibdib ni David.
Gumanti ng putok si Pesigan kay Valencia na tinamaan sa katawan. (Ulat ni Joy Cantos)