Kasabay nito, pinaiimbestigahan ni Bohol Rep. Ernesto Herrera sa DOTC kung bakit naging kilala umano bilang killer bus ang Weena Bus Company sa Mindanao.
Ayon kay Herrera, ang pagkasawi ng may 38 pasahero nitong nakalipas na Pasko matapos na mahulog sa bangin ay hindi ang kauna-unahang pagkakataon na kinasangkutan ng naturang bus company.
"Nakarating sa akin na ang Weena Bus Company ay may ilang beses na ring nasangkot sa mga aksidente na ikinasawi ng maraming pasahero pero walang ginawa ang DOTC, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board," anang mambabatas.
Noong 1998, aniya, halos 50 na katao ang nasawi sa aksidente na kinasangkutan ng mga bus ng Weena Lines subalit wala umanong nangyari para matigil ang iba pang uri ng aksidente kahit nakapagsagawa ng imbestigasyon ang naturang mga ahensya. (Ulat ni Marilou Rongalerios)