Gayunman, sa sketchy report na nakarating sa Camp Crame, kasalukuyan pang bineberipika ang pangalan ng mga biktima habang hindi pa mabatid ang bilang ng mga sugatan.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang aksidente dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng national highway sa Bansalan, Davao del Sur patungo sa Cotabato sa mismong araw ng kapaskuhan.
Sa ulat ni SPO3 Reynaldo Campo, nabatid na ang pampasaherong Weena bus na may body number 5518 na minamaneho ni Andy Hernandez ay puno ng pasahero patungong Cotabato galing Davao nang aksidenteng bumangga sa kasalubong ding Weena Bus galing naman ng Cotabato patungong Davao.
Walang gaanong iniulat na nasaktan sa nakabanggang bus na may body number 8608, dahil sa hindi ito gaanong puno ng pasahero.
Nabatid na nagkabanggaan ang dalawang Weena Bus sa parteng pakurba ng kalsada sa naturang lugar kung saan karamihan sa mga pasahero ay mga bata.
Dire-diretsong nahulog sa malalim na bangin ang bus na minamaneho ni Hernandez na ikinasawi ng may 35 katao.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang isinasagawang rescue operation sa ilan pang biktima. (Ulat ni Joy Cantos)