3 sekyu sugatan sa ambush

Tatlong security guards ang iniulat na malubhang nasugatan makaraang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan sa Maitum, Sarangani, kamakalawa.

Nakilala ang mga biktima na sina Jonathan Asoy, Zosimo Quintero at Crisanto Intod.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, dakong alas 6:20 ng umaga habang nagpapatrulya ang mga biktima sa bisinidad ng Strong and Parrets Property sa Barangay Kalaong, Maitum, Sarangani ng tambangan ng pitong armadong kalalakihan.

Ang mga biktima ay nagtamo ng ibat-ibang tama ng bala ng baril sa katawan at isinugod sa Maitum Municipal Hospital para sa kaukulang lunas.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na mga rebeldeng NPA ang may kagagawan sa isinagawang pananambang.

Hindi naman matiyak kung ano ang motibo sa isinagawang pamamaril. (Ulat ni Joy Cantos )

Show comments