Obrero kinatay ng bayaw dahil sa lupa

MAUBAN, Quezon – Nagmistulang karne ang katawan ng isang 37-anyos na obrero matapos na ito ay pagtatagain hanggang sa mapatay ng kanyang bayaw dahilan sa pagtatalo kung kanino mapupunta ang lupang minana ng biktima at ng asawa ng huli, kamakalawa ng hapon sa Barangay Sadsaran sa bayang ito.

Kinilala ni Supt. Faustino Euste, chief of police sa bayang ito ang biktima na si Martin Araojo, samantalang tinutugis naman ngayon ng mga awtoridad ang nakapatay dito na si Rogelio Banagan, 35, asawa ng nakababatang kapatid ng biktima at pawang mga residente sa naturang barangay.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Wilmor Abang, may hawak ng kaso, dakong alas-4:45 ng hapon ay masayang nag-iinuman ang magbayaw at ang iba pa nilang kaibigan.

Nang kapwa malasing ay naungkat umano sa kanilang pag-uusap ang tungkol sa lupang minana ng biktima at ng asawa ng suspek. Iginigiit umano ng biktima na siya ang dapat na makakuha ng malaking parte sa lupa sapagkat siya ang panganay. Tinutulan naman ito ng suspek sa pagsasabing mas malaki ang dapat na mapunta sa kanyang asawa dahil ito ang bunso sa magkapatid.

Ang naturang pagtatalo ng magbayaw ay nauwi sa suntukan hanggang sa umuwi sa kanilang bahay ang suspek ng ito ay matalo at pagbalik ay armado na ito ng isang jungle bolo at walang sabi-sabing pinagtataga ang kanyang bayaw hanggang sa mapatay at pagkaraan ay mabilis na tumakas. (Ulat ni Tony Sanvoval)

Show comments