Ex-police nilikida ng NPA rebels

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang retiradong pulis ang nilikida ng hinihinalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) noong nakalipas na Linggo ng hapon.

Kinilala ni Supt. Armando Sadili, hepe ng Tiaong police ang biktima na si Ret. Chief Inspector Salvador Rodolfo, residente ng Sto. Niño, San Pablo City.

Ayon sa police report, papauwi na ang biktima galing sa kanyang farm sa Barangay Lagalag kasama ang kanyang caretaker na si Jose Toledo ng bigla na lang silang pagbabarilin ng anim na kabinataang suspect pagsapit sa Barangay Cabatang sa bayan ding ito.

Namatay noon din si Rodolfo bunga ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Samantala, milagrong nakaligtas naman ang caretaker na si Toledo na siya ring nagpahayag na maaaring miyembro ng CPP/NPA ang pumaslang sa kanyang amo, batay na rin sa pamamaraan ng pagpaslang ng mga ito.

Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments