Nanita ng senglot tinodas

MORONG , RIZAL – Isang 38-anyos na lalaki na naingayan at nanita ng senglot ang iniulat na nasawi makaraang pagtulungan saksakin ng dalawang kalalakihan na nag-iinuman kamakalawa ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na hindi na umabot pa ng buhay sa Rizal Provincial Hospital na si Randy Villa, residente ng Sitio Ugala, Brgy. Lagundi ng nasabing lugar.

Samantala, tinutugis naman ng pulisya ang mga suspek na nakilalang sina Joselito Garcia, 23 at Jefferson Mayor, 27 na pawang residente ng naturang brgy.

Nabatid sa ulat ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ang dalawang suspek sa isang tindahan na malapit sa bahay ng biktima dakong alas 5:30 kamakalawa ang hapon sa nasabing lugar.

Dahil sa senglot na ang dalawang suspek ay nagsisigaw na ang mga ito na nagkataon naman dumarating ang biktima.

Sinita naman ng biktima ang mga suspek upang tumahimik subali’t ikinasama ng loob ng dalawa kaya nagbunot ang mga ito ng patalim at pinagtulungan saksakin si Villa hanggang sa mapatay. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments