Anak ng trader dinukot ng MILF rebels

Isang 5-taong gulang na batang lalaki na anak ng mayamang negosyante ang kinidnap ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kamakalawa sa Libungan, Cotabato.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame nakilala ang panibagong biktima nang pagdukot na si Edward John Agustin, anak ng isang prominenteng pamilya na residente ng Sitio Banggar, Barangay Batican ng bayan ng Libungan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-11:10 ng umaga nang dukutin ng mga suspect ang biktima.

Nabatid na bigla na lamang sumulpot ang mga suspect na lulan ng isang motorsiklong Kawasaki sa tahanan ng lolo ng bata na nakilalang si Mr. Herminio Castro ng naturang lugar at tinangay ang bata.

Nabatid na naglalaro noon ang biktima ng tutukan ng baril at kaladkarin ng mga suspect.

Sa isinagawang operasyon, agad namang natukoy ng mga awtoridad ang grupo ni Kumander Max ng MILF na siyang responsable sa pagdukot sa biktima.

Isang hot pursuit operations ang inilunsad ng mga elemento ng Pigkawayan at Libungan PNP upang tugisin ang mga nagsitakas na rebelde. Narekober naman ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon ang motorsiklong ginamit ng mga suspect.

Magugunita na kamakailan lamang ay kinidnap ng pinaghihinalaang rebeldeng MILF ang isang 13-anyos na anak ng isang manager ng Rizal Commercial Banking Corporation sa Koronadal City, South Cotabato.

Sinundan ito nang pagdukot sa negosyanteng si Marilyn Chiu sa Barangay Gikam, Alicia, Zamboanga del Sur na isinagawa naman ng grupo ni MILF Kumander Abdusalam Alidin, alyas Kiddie.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa serye ng kidnapping sa Mindanao. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments