Indian national hinoldap

DASMARIÑAS, Cavite – Isang Indian national ang hinoldap ng tatlong kalalakihan, kamakalawa ng umaga sa Barangay Sampalok 4 ng bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si Surjit Singh ng nabanggit na lugar ay hinoldap ng mga suspect na nakilalang sina Roberto Palacio, Lyndon Malinay, at Joey Cayod na ngayon ay nakakulong sa detention cell ng himpilan ng pulisya.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:30 ng umaga kahapon habang naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar nang lapitan ng isa sa suspect at tutukan ng patalim bago nagpahayag ng holdap.

Kasunod nito ay pinaikutan ng tatlo pang mga suspect ang biktima at tinangay ang di pa mabatid na halagang nasingil nito sa kaniyang mga pautang.

Habang tumatakas naman ang mga suspect ay namataan ito ng mga tauhan ng Traffic Enforcement Board (TEB) na nakatalaga sa nabanggit na lugar.

Hinabol ang mga ito at sa loob lamang ng ilang minuto ay nadakip ang mga suspect sa tulong ng mga taumbayan. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments