Trader niratrat habang nanonood ng TV, todas

CAMP VICENTE LIM, Calamba — Isang 50-anyos na trader ang pinagbabaril hanggang sa mamatay ng isang di-nakilalang lalaki na pinaniniwalaang hired killer sa harap mismo ng kanyang ka-live-in sa inuupahang apartment sa Cabuyao, Laguna, kamakalawa.

Sa naantalang ulat na nakarating sa tanggapan ni Chief Supt. Lucas Managuelod, PRO4 director buhat sa Cabuyao Municipal Police station, nakilala ang biktimang si Francisco Castillo, naninirahan sa Brgy. Diezimo Ilaya, Cabuyao, Laguna.

Si Castillo ay patay na nang idating sa Cabuyao Provincial Hospital bunga ng tinamo nitong mga tama ng bala sa katawan.

Ayon sa salaysay ng ka-live-in ng biktima na nakilalang si Carmen Guniano, ang suspek ay may katamtamang pangangatawan, nakasuot ng itim na jacket at pinaniniwalaang isang hired killer.

Base sa isinagawang pagsisiyasat ni SPO1 Lourdes Lacanggan, may hawak ng kaso, naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng gabi kamakalawa habang ang biktima ay nanonood ng television sa sala nang kumatok ang suspek.

Nang buksan ng biktima ang pintuan ay lumantad sa kanyang harap ang suspek na armado ng kalibre .45 at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ito.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos isagawa ang krimen.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo at masusing iniimbestigahan ng mga ito ang nasabing krimen. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments