Ayon sa report ng tanggapan ni Phil. Air Force (PAF) Chief Major General Benjamin Defensor Jr., nahirapan ang kanilang search and rescue team bago tuluyang nailigtas ang biktimang kinilalang si David Run Came.
Ayon sa imbestigasyon, nakatuwaan umano ni Came kasama ang isang grupo ng mountaineers na akyatin ang bulubunduking lahar ng Sapang Bato ng maganap ang sakuna matapos mahulog sa isang malalim na uka.
Masyado umanong masikip at sobrang lalim ang kinahulugan ng biktima at hinang-hina ito matapos na humampas ang kanyang katawan sa mabato at napapaligiran ng lahar na kabundukan.
Nakatanggap ng emergency call sa telepono si Col. Edgar Calvo, Air Force City Commander mula kay Angeles City Mayor Carmelo Lasatin upang iligtas ang biktima.
Sa pamamagitan ng Air Forces 505th Search and Rescue Group ng PAF ay nagtungo ang mga ito sa pinangyarihan ng insidente.
Gayunman nabigo ang mga itong makalapag sa matarik na lugar kayat pinaikot ang helicopter sa lugar na kinabagsakan ng naturang turista. Sa tulong ng dalawang paramedics ay matagumpay na na-airlift ang biktima.
Kasalukuyang nagpapagaling si Came sa isang pribadong hospital sa Maynila na idineklarang nasa ligtas ng kalagayan. (Ulat ni Joy Cantos)